Pag-asa

For Pinoy readers and Tagalog- understanding non-Pinoys:

Pag-asa, sa Filipino. Hope, in English. Ito ang higit nating kailangan sa mga araw na ito. Sa kabila ng mga naririnig natin sa mga balita na gumaganda na ang ating ekonomiya, na ang ating bansa na ang ikalawa sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa Southeast Asia, milyon-milyon pa rin ang nagdarahop at nagugutom araw-araw. Ilang libong kabataan pa rin ang walang masuot ng maayos, makain ng wasto at masustansiyang pagkain, at makapasok ng paaralan dahil kulang sa pananalapi o lubhang lugmok sa karalitaan.

Ayon sa isang open letter ng isang Koreana sa Facebook, may malawak na pagitan ang mga dukha at mga mayayaman sa ating bayan. Kung umaangat man ang ating ekonomiya, ilang porsiyento lamang ng mga Pinoy ang talagang nakikinabang o umaangat ang antas ng pamumuhay. Ang mga ordinaryong mamamayan ay patuloy na kumakayod at kumikita na tama lamang para sa pang araw-araw na pangangailangan. Hindi raw ganon sa bansa nila dahil gumagawa ang gobyerno nila ng mga hakbangin na napapalapit ang gap ng mga dukha at nakakaangat sa buhay.

Liban pa sa isyu ng ekonomiya at pananalapi, problema rin natin ang mga natural na kalamidad na malimit dumadaan sa ating bansa. Hanggang ngayon marami pa rin ang walang matirahan at hanap-buhay sa Visayan region dahil kay super typhoon Yolanda. May volcanic warnings, earthquake fears and flood dangers pa rin tayong hinaharap.

Marami pang problema tayong hinaharap tulad ng polusyon sa lupa, tubig at hangin na halos araw-araw na gumugulo sa atin. May trapikong nakakagambala sa araw-araw na pagbibiyahe papuntang opisina, eskwelahan, negosyo at iba pang lakarin meron tayo lalo na sa Kalakhang Manila.

Ang mga krimen ay patuloy na nagaganap araw-araw sa iba’t ibang dako ng Pilipinas lalo na sa Ka-Maynilaan. Nariyan ang murder, carnapping, kidnapping, drug trafficking, prostitution, pedophilia at iba pang uri ng pananamantala sa kapwa. Hindi rin ligtas ang pamilya sa iba’t ibang problema na araw-araw hinaharap natin.

Parent absenteeism, marital rape, incest, child abuse, teen-age pregnancy at kung ano-ano pang social problems na damay ang ating pamilya ang di natin halos magawan ng solusyon. Pakiramdam natin ay lumulubog na tayo sa kumunoy na walang mapaghihingian ng tulong.

Pilit nating pinapasan ng tahimik ang iba’t ibang mga suliranin sa loob at labas ng ating sarili. Tahimik tayong lumuluha at binabata ang mabigat na daigdig sa ating balikat. Parang wala ng sagot sa ating mga tanong sa buhay, wala ng solusyon sa lahat ng mga ito. Hindi natin kaya solusyonan ang maraming bagay.

Subalit kaibigan, meron laging pag-asa. Hindi man ngayon, hindi man agad-agad. Meron kang mahihingian ng tulong, ng lakas ng loob at direksyon sa mga dapat gawin para unti-unting matugunan ang iyong mga problema. Hindi lahat ng problema ay mawawala agad-agad ngunit may pag-asa.

Ang pag-asa ay isang positibong emosyon o isang positibong mentalidad na maaari nating tangkilikin sa ating mga puso’t isipan. Huwag nating pakakawalan ito lalo na sa mga oras na sagad na tayo sa mga problema. Panghawakan natin na laging may maganda o mabuting bagay ang naghihintay at nakalaan sa atin.

Ang pag-asa ay lalong pinatitibay kung tayo ay nananalig sa Maykapal. Tiwala tayong lagi Siyang nakaantabay sa atin, hinihintay lamang ang ating tawag ng tulong sa oras ng pangangailangan. Iniibig Niya tayo kaya nagagalak Siyang sumaklolo sa atin. Tiwala lang kaibigan, at laging umasa sa Kaniya!

Leave a comment